Dismayado ngunit hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Senador Manny Pacquiao sa isinusulong nito na panukalang pagbabalik ng parusang kamatayan o ang death penalty bill.

Sa kabila ito ng posisyon ng liderato ng Senado na hindi ito isasama sa kanilang prayoridad.

Si Pacquiao ang pa­ngunahing proponent ng naturang panukala.

Ayon sa senador, dismayado siya sa hindi pagbibigay prayoridad ng Senado sa panukala gayong ang pangulo mismo ang nagtutulak nito.

Sa kabila nito, umaasa pa rin ang senador na tatakbo o matatalakay din ang panukala lalo na kapag ililimita lamang ang magiging saklaw nito tulad ng mga drug lords at high profile drug trafficking.

Naniniwala ang senador na kapag ililimita lamang sa drug lords ang death penalty ay mara­ming papabor dito kung kaya’t ito na lamang ang kanyang itutulak.

Sa panig ni Senate Minority leader Franklin Drilon, sinabi nitong malinaw namang walang sapat na boto para makalusot ang death penalty bill kung kaya’t walang dahilan upang itulak at isama ito sa legislative agenda ng Senado.

4 Responses