Pacquiao: Hipuin sana ng Diyos si Pangulong Duterte

Umaasa si Senador Manny Pacquiao na uutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang National Telecommunications Commission (NTC) na payagan pa rin magkapagpatuloy ng operasyon ang ABS-CBN kahit napaso na ang prangkisa nito noong Mayo 4.

“I’m hoping, I’m praying na hipuin ng Panginoon ang Pangulo na tulungan at kausapin ang NTC na bigyan ng provisional authority to operate while the pending renewal bill is dinidinig ng lower House at Senate,” pahayag ni Paquiao sa ANC.

Noong Martes ng gabi, Mayo 5, itinigil na ng ABS-CBN ang kanilang pag-ere matapos mag-isyu ng cease and desist order ang NTC sa naturang network, taliwas sa nauna nilang pangako sa mga congressional inquiry noon na magbibigay sila ng provisional authority sa nasabing istasyon.

“Dito sa pago-operate ng ABS-CBN, may magagawa naman ang Pangulo. Dito sa pagsasara `di naman natin pwede sisihin ang Pangulo sa naging desisyon ng NTC,” sabi ni Pacquiao.

Ayon pa sa senador, ang pagsara ng pinakamalaking broadcast company sa bansa ay malaking kawalan sa mga Pilipino, lalo na sa mga overseas Filipino worker (OFW).

“Malaking kawalan sa ating mga Pilipino. Alalahanin natin, sa ibang bansa kasi especially TFC [The Filipino Channel], lahat ng OFW laging nanonood ng TFC para ‘yung lungkot nila sa ibang bansa, `pag nakanood sila ng TFC parang andito sila sa Pilipinas,” paliwanag ni Pacquiao.

“`Pag ako nasa ibang bansa nagte-training, `pag nanonoood ako ng TFC para akong nasa Pilipinas din,” sabi pa ng senador.

Binigyang-diin naman ng senador na hindi dapat ikumpara ang pagsasara ng ABS-CBN nang ipinasara rin ito sa panahon ng yumaong diktador Ferdinand Marcos noong 1972.

“Ang pagsara ng ABS-CBN hindi dapat ikumpara sa martial law. Iba na ‘yung generation natin ngayon. Kailangan lang talaga natin ng pagkakaunawaan, pagkakaisa,” wika ni Pacquiao.

“I am not saying na hindi na natin i-implement ‘yung law pero dapat siguro with consideration and proper implementation, not in this crisis na maraming nangangailangan ng tulong, maraming nagugutom,” dagdag pa nito. (Dindo Matining)