Bigo man si weighlifter Hidilyn Diaz na masungkit ang gintong medalya sa Olympic Games sa Rio de Janiero, Brazil, handa pa rin si boxing icon at Sen. Manny Pacquiao na bigyan ng cash reward ang Zamboanga City athlete.

Nauna rito ay nangako si Pacquiao na bibigyan niya ng limang milyong piso ang ­sinumang atletang Pinoy na mag-uuwi ng gintong medalya sa Rio Olympics.

Muntik nang mapasubo si Pacquiao sa kanyang pangako nang kapusin si Diaz at magkasya sa silver medal sa pagbuhat ng 200-kilogram sa women’s 53-kg category ng weighlifting.

Siya rin ang unang Pinay at taga-Mindanao na nakakuha ng medalya sa Olympics.

Hindi naman uuwing luhaan si Diaz kay Pacquiao dahil kahit konti ay may iaabot pa rin daw ito galing sa sariling bulsa.

“Huwag na nating i-announce,” pakiusap ni Pacman kung magkano ang ibibigay niya kay Diaz.

Kasabay nito, tiniyak naman ni Senate Minority Leader Ralph Recto na makukuha pa rin ni Diaz ang five million peso incentive sa ilalim ng National ­Athletes and Coaches Benefits and Incentives law o Republic Act 10699 kahit na wala pang Implementing Rules and Regulations (IRR).

“Kahit walang IRR, automatic ‘yan, as written in the law,”ani Recto ­bagama’t duda ito kung libre sa buwis ang insentibo.

“Unang-una, dapat tax-free ‘yung five million prize niya. Tax-free din dapat ‘yung kalahati nun na mapupunta sa coach,”giit ng senador.

3 Responses

  1. I guess it’s unfair kung kalahati ang mapupunta sa coach from which guidance and support ang naitulong dahil she deserves more than his mentor dahil mas mahirap yung pinagdaanan nya kesa sa gumagabay lamang.