Isang video tribute ang inialay ni eight-time world pro boxing champion Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao bilang pag-alala kay National Basketball Association legend Kobe Bryant na pumanaw nitong Enero 26 sa Calabasas, Los Angeles, California.
Sa video na kanyang ipinost sa Instagram, nagtanaw-balik ang Pambansang kamao sa kanilang pagkikita ng Los Angeles Lakers great sa Wild Card Boxing Club sa LA, CA rin noong Nobyembre 2011.
Makikita doon na nanood sa training at sparring session ni Pacman si Black Mamba.
Ibinahagi rin sa video ang pagsuporta ni Pacquiao sa Smart Ultimate All-Star Weekend sa Araneta Coliseum sa Quezon City noon ding 2011 na dinaluhan ng ilang NBA star sa pangunguna ni Bryant, kasama sina Kevin Durant, James Harden, Chris Paul, Derrick Rose at iba pa.
Paglalarawan pa ni coach Freddie Roach sa video, ang pagkikita ni Bryant at Pacquiao ang isa sa best day sa buhay ng Pinoy ring icon. (JAT)