May pagkakataong makaresbak si 8-division world pro boxing champion Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao kay undefeated five-division world champ Floyd Maweather, Jr. ng Estados Unidos.

Nakipagkita ang Kano sa Pinoy ring icon Biyernes nang gabi sa Japan para pag-usapan ang rematch makaran ang kontrobersiyal na pagkatalo ng huli sa una noong Mayo 2015 sa Las Vegas, Nevada.

“I’m coming back to fight Manny Pacquiao this year. Another 9-figure pay day on the way,” bulalas kahapon ng 41-anyos at tubong Grand Rapids, Michigan sa bakbakang nakatakda sa Disyembre.

Nagkalat na kagabi sa Twitter at Instagram ang nakagugulantang na balita. Pero hati ang netizen sa bagay. May nanabik. May ayaw na.
“I’m going back in December,” bulalas ni Mayweather.

Maririnig din dito na sinabi ni Pacquiao na meron aniya siyang belt at nagbiro naman si Mayweather na kukunin niya daw ito.

“I have the belt,” sabi ni Pacquiao. “I’m gonna take that belt and give you more,” ani naman ni Mayweather.
“I will take them from you like I did last time,” tugon pa ni Pacquiao, 39, tubong Kibawe, Bukidnon.

Naiposte ng The Money Man ang unanimous decision victory sa unang pagtutuos. Kaya lang ay may bali sa balikat si Pacquiao, para sa marami rin na panalo siya.

Huling umakyat sa ruwedang parisukat si Mayweather kontra UFC star Conor McGregor ng Ireland may 13 buwan na ang nakaraan at naitala ang kanyang 50 wins.

Habang ang fighting Senator ay nahablot ang World Boxing Association championship ni Lucas Matthysse ng Argentina noong Hulyo sa Kuala Lumpur, Malaysia via 7th round technical knockout. (Ramil Cruz/ Fergus Josue, Jr.)