Nakaukit na ang mga pangalan nina Floyd Mayweather, Jr. ng Estados Unidos at Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao bilang dalawa sa greatest boxers of all time.

At bilang patunay, kasama na sila sa pinakamagagaling na umbagero ng kanilang panahon sa tinaguriang ‘Dominant 20’ ng ESPN The Magazine sa nagdaang 20 taon.

Pangwalo ang 41-an­yos na si Mayweather, may malinis na 50-0 kartada kasama ang 27 pagpapatumba, sa pinakadominanteng atleta ng mundo, habang ang karibal niyang Pinoy ring legend na may makulay na 59-7-2 win-loss-draw (38 knockouts), ay ika-19 lang sa listahan.

Nakatatlong retirement na sa boxing si Mayweather, na tinatayang tumabo na ng lampas US$1 billion sa kanyang 21-year professional bo­xing career, at gumagawa naman ng ingay sa posibilidad na pagtawid sa mixed martial arts.

Sa panig ng 39-anyos na si Pacquiao, huli siyang sumalang sa ibabaw ng ruweda noong Hul­yo 2017 nang mabigo kay Aussie Jeff Horn at agawin ang kanyang World Boxing Organization welterweight crown.

Una sa listahan ang dating henyo ng golf na Amerikanong si Tiger Woods, No. 2 ang Kanong si NBA superstar LeBron James, No. 3 si American football star Peyton Manning, No. 4 si US NASCAR driver Jimmie Johnson, No. 5 si tennis legend Roger Federer ng Switzerland, No. 6 si Swede pro golfer Annika Sorenstam, No. 7 si Formula One multi-champion Geran Michael Schumacher, No. 9 si Brazilian footballer Marta Vieira da Silva at pasok sa Top 10 si world sprinting champ Usain Bolt ng Jamaica. (Ferdz Delos Santos)