Pacquiao pinilit kumain ng saba, ginamos ang 4 anak

Naging makatuturan sa pamilya Pacquiao ang enhanced community quarantine dahil nagkaroon sila ng bonding ng pamilya.

Mapapanood ito sa isang video na ipinost sa YouTube ng maybahay ni Senador Manny Pacquiao na si Jinkee ngayong lockdown.

Ipinost ni Jinkee ang video na may titulong ‘Ginamos Challenge’ na kanyang ginawa nitong weekend habang kasama ang buong pamilya sa kuwarto.

Makikita sa video ang mag-asawa na nagmemeryenda ng nilagang saba na isinasawsaw sa ginamos.

Sarap na sarap ang mag-asawa dahil ito raw ay nakagisnan nilang kainin pamalit sa kanin.

Ayon kay Manny, 10 taon niyang pagkain ang saba kapalit ng kanin.
Kaya naman para maiparanas sa mga anak ang pinagdaanan ay isa-isang pinatikim ni Manny ng nilagang saba na sinawsaw sa ginamos ang mga anak na sina Princess, Jimuel,Michael, Queenie.

Sa apat na anak tanging si Princess ang agad na napakain ni Manny habang ang tatlong anak ay kailangan lang pilitin at handaan ng tubig para kainin ang nilagang saba na sinawsaw sa ginamos.

Ito raw ayon sa mag-asawa ang unang beses na makakain ng nilagang saba ang mga anak.