Walang plano si Senador Manny Pacquiao na tumakbo sa 2022 presidential elections, maliban na lang kung makatanggap siya ng senyales mula sa Panginoon.
Sa isang panayam, sinabi ni Pacquiao na wala itong planong tumakbo sa higher office ngunit posibleng magbago pa rin ang kanyang isip kapag hinihingi ng pagkakataon.
“I don’t have any plan to run for a higher office or mag-iisip ako. I’m thinking about it,” sabi ni Pacquiao.
Binanggit pa ng tinaguriang Pambansang Kamao na hindi siya gagawa ng isang malaking desisyon, tulad ng pagtakbo sa pagka-pangulo kung wala namang senyales mula sa Panginoon.
“Alam mo kung walang guidance ng Panginoon, who I am to make a decision na sarili ko lang? Kung ganun, hindi rin ako magpro-prosper and then useless din ‘yung mga plano ko kung wala ‘yung Panginoon,” paliwanag ni Pacquiao na naging Born Again Christian noong 2004.
Sa isang hiwalay na television interview, sinabi ni Pacquiao na hindi niya iniisip ang 2022 presidential elections dahil abala siya sa trabaho sa Senado at sa pag-aaral para makatapos sa kolehiyo.
“Nag-aaral ako, yes. Kailangan lang kasi, the most important thing is alam mo sitwasyon ng bansa natin,” wika ng senador.
Hindi naman niya binanggit kung saang unibersidad siya nag-aaral.