Pacquiao sinuntok si Jimuel

Ginagawang makabuluhan at kapaki-pakinabang ng mag-amang Senador Manny Pacquiao at Jimuel ang panahon ng lockdown.

Hindi lang sila basta nagba-bonding, sumasailalim sa aktuwal na leksiyon ng boksing ngayon ang panganay nila ni Jinkee, si Jimuel ang kinakikitaan ng Pambansang Kamao na may pangarap na sumunod sa kanyang mga yapak.

Aba, kung mapaplakado ni Jimuel ang bangis sa lona ng kanyang ama ay hindi malayong tanghalin din itong kampeon sa walong iba-ibang dibisyon, may kasabihan nga na lumalabas na mas magaling daw ang estudyante kesa sa kanyang guro.

Matindi ang disiplina ni Pacman. Kapag may pinaghahandaan siyang laban ay talagang du’n lang nakapokus ang kanyang atensiyon at panahon.

Napakabilis ng kanyang footwork, ibang klase ang mga pamatay niyang suntok, talagang humahalik sa lona ang kanyang mga nakakasagupa.

Isinulat ni Pacman ang pangalan ng Pilipinas sa mapa ng mundo. Hindi na kailanman mabubura ang kanyang pangalan sa kasaysayan ng boksing.

Sana nga ay ganu’n din ang pangarap ni Jimuel, sana’y makuha nito ang lakas ng kanyang ama, sana nga ay may susunod pang Pacquiao kapag nagdesisyon ang Pambansang Kamao na magpahinga na.

@@@

Magtiis sa naghihingalong bulsa

Hanggang sa Mayo 15 pa ang enhanced community quarantine. Walang pagbabago ang mga kautusan.

Bawal pa rin tayong lumabas ng bahay, hindi pa rin makapagtatrabaho ang mga manggagawang Pinoy sa sakop ng NCR at iba pang mga probinsiya, hanggang hindi bumababa ang numero ng biktima ng COVID-19 ay wala pang kasiguruhan kung kailan matatapos ang lockdown.

Puro “aray ko!” ang maririnig sa paligid. Ang isang buwang lockdown nga naman ay nairaos natin, pero may ekstensiyon na naman, kaya pa ba ng ating powers ang mga susunod na araw?

Pero wala tayong pamimilian kundi ang sumunod sa kautusan, naghihingalo man ang ating bulsa at umiiyak ang ating bituka ay tiis-tiis pa rin ang kailangan nating yakapin, pangdaigdigan ang salot na ito at hindi lang naman dito sa bansa natin.

-o0o-

Willie suki ng mga manloloko

Dahil siguro sa kawalan ng magagawa ay may mga kababayan tayong ginagamit na lang ang kanilang panahon sa pagpapakalat ng fake news.

May mga gumagawa ng fake account ng mga artista na naglalagay sa kanila sa alanganin. Pinaniniwala ng mga posers na mamimigay ng tulong na pampinansiyal ang mga napagtitripan nilang artista ngayong panahon ng lockdown.

Ilang lang sa mga naging biktima ng fake account sina Bossing Vic Sotto, Marian Rivera at Maine Mendoza. Wala raw dapat gawin ang publiko kundi ang mag-personal message lang sa kanila at agad-agad ay magbibigay na sila ng pinansiyal na tulong.

Si Willie Revillame ang madalas na magamit sa mga raket, pinagkakaperahan ng mga pekeng staff kuno niya ang Wowowin, naniningil ang mga ito nang libo-libo mula sa mga kababayan nating gustong manood ng show.

Meron pang nagpapaikot ng text na nagsasabing nanalo raw ang kanilang binibiktima sa Wowowin nang kung ilandaang libo, kailangan lang daw muna silang padalhan ng load, para maproseso ang pagkuha nila ng premyo sa produksiyon ng Wowowin.

Pero ngayon ay tapos na ang kaligayahan ng mga raketero, si Willie na mismo ang tumatawag sa mga nananalong nanonood ng Tutok To Win, kung hindi sila nakontak ay walang premyo.

Live ng ginaganap ang Tutok To Wik sa 42nd floor ng Wil Tower, sa ipinagawang resto-bar ni Willie Revillame, napapanood ang kanyang show sa GMA-7, YouTube at Facebook Live.