Pag-abuso sa kapangyarihan

Sa pagdaan ng mga dekada, maraming Pinoy ang talagang umay na umay na sa maru­ming galaw ng politika sa bansa.

Kaya nga noong 2016, bagong mukha ang nailuklok sa pinakamataas na puwesto sa gobyerno. Isang pangalan na kilala lang sa timog na bahagi ng Pilipinas.

Walang iba kundi ang palaban na Mayor ng Davao City na si Rodrigo Duterte. Matapang at walang sinasanto ang kanyang bibig.

Half-way sa kanyang termino, paulit-ulit niyang napatunayan na isang matigas na pala­isipan ang tinatahak na direksyon ng kanyang liderato sa usa­ping pang-ekonomiya at pampolitika. Mula sa pagdurog sa mga komunista at giyera laban sa droga, ang ginagamit naman daw ngayon na formula ng Duterte administration ay ang pagyurak sa malalaking negosyante sa bansa.

Malinaw daw itong napatunayan sa tangka ni Solicitor General Jose Calida na hara­ngin ang bagong prangkisa ng ABS-CBN nang maghain siya ng quo warranto petition sa Korte Suprema.

Dahil sa ginawang ito ni Calida, taob ang ilang malala­king isyu sa bansa tulad ng usapin sa Visi­ting Force Agreement (VFA), iligal na negos­yo ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), paglobo ng utang ng bansa at ang kawalan ng imprastraktura para malutas ang matin­ding problema sa trapiko sa bansa.

Ang sabi ng mga political observer at mga grupo ng negosyante sa bansa, nakasisira sa business circle at takbo ng kompetisyon sa industriya ang pang-aabuso sa kapangyarihan at armadong patakaran ng batas.

Nakikita rin daw ito sa kasalukuyang nangyayari sa ABS-CBN Corporation pati na rin sa dalawang pribadong water concessioner.

Sabi nga, bawal ang judgmental. Pero ang tanong – sino ang susunod na mahahagip ng patakarang ito?

Sa nakaraang pagdinig ng Senado, nag-iwan ng impresyon sa hanay ng pagne­negosyo na sa kabila ng pangakong tapat na serbisyo, posible pa rin palang gamitin ang kapangyarihan para mang-abuso ang gobyerno.

Hindi man ito lantarang gawin, may mga mekanismo naman daw na paiikutin at gagamitin ang mga nasa awtoridad para sa mga personal na pahihiganti.

Ang tanong ulit, bigo pa rin nga ba ang mga Pinoy na makakita ng mga lider na susugpo sa katiwalian at mapapagbuti ang pamamahala sa buong bansa?