Mga ka-Misteryo nakakita na ba kayo ng demonyo? Isang psychic healer ang nagsabing nakakita na siya ng demonyo at aktuwal umano niyang nakita ang pag-ahon ng demonyo mula sa kailaliman ng impiyerno.
‘Yan ang paksa natin ngayon: “Basta may Misteryo, Alamin ang Totoo!”
Mukhang may nabuksan na namang lagusan kaya may lumalabas na mga demonyo mula sa kailaliman ng impiyerno. Kaya kailangan maging mapagbantay ang lahat kontra sa paghahasik ng kasamaan ng mga kampon ng kadiliman.
Ipinagtapat ng psychic healer na si Manuel ng Cagayan na nakita niya ang pag-ahon ng demonyo mula sa kailaliman ng impiyerno.
Nang tanungin ng #Misteryo kung paano niya nakita ang paglabas ng mga demonyo, ganito ang takbo ng usapan.
Misteryo: “Paano mo nakita ang pag-ahon ng demonyo? Nakakatakot ba ang hitsura ng demonyo?”
Manuel: “May nakita akong biglang paglabas ng kakaibang usok mula sa sementadong sahig ng aming opisina at nang tiningnan kong mabuti, may biglang sulpot na kamay na may mahahabang daliri hanggang sa makita ko may maitim na nilalang na mapula ang mata at maliliit na sungay ang umahon sa butas.”
Misteryo: “Eh ‘di natakot ka ng makita mo? Anong ginawa mo? Ilan ang sinasabi mong demonyo na umahon?
Manuel: “Hindi naman ako natakot pero hindi ko masyado maaninag ng sandaling ‘yon, parang dalawa o tatlo silang umahon. Saka ang baho ng usok na lumabas sa lagusan parang nasusunog na bakal o parang asupre.”
Misteryo: “Nong nakaahon ang mga demonyong ito, saan sila direksyon nagpunta? Kaya mo bang matukoy kung saan sila nagpunta?”
Manuel: “Bigla silang naglaho kaya huli na ang lahat para mapigilan ko sila pero dahil tatlo sila baka mahirapan ako. Wala rin akong kakayanan na matukoy kung saan sila nagpunta.”
Sa takbo ng usapan ng #Misteryo kay Manuel, pinayuhan niya ang publiko na taimtim na manalangin at palakasin ang pananalig sa Diyos.
Para sa inyong mga kuwentong Misteryo at Kababalaghan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang www.reytsibayan.com at abante.com.ph.