Pag-amyenda sa child trafficking law madaliin – Palasyo

Hiniling ng Palasyo nitong Biyernes na madaliin ang pag-amyenda sa Republic Act 10364 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mapapatuna­yang sangkot sa child trafficking.

Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles na prayoridad ng administrasyong Duterte na mapa­nagot sa batas ang sinumang indibidwal o grupo na sangkot sa pambubugaw ng mga bata sa prostitusyon at paggamit sa mga ito sa iba’t ibang krimen.

“Nais ng Pangulo na pataasin at higpitan ang parusang ipapataw sa mga lalabag sa child trafficking law. Gusto niya na ang masasangkot sa ganitong uri ng krimen ay pagkakaitan ng karapatang magpiyansa para makalaya,” pagbibigay diin ni Nograles.

Ayon pa kay Secretary Nog­rales, “ang trafficking ay nakasisira sa kinabukasan ng mga kabataan. Tungkulin natin na protektahan sila sa pamamagitan ng mas maigting na batas.”

Sa pagbukas ng 18th Congress ay may mga mambabatas nang naghain ng panukalang batas para amyendahan ang RA 10364.

Sa Senado ay inihain ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ang Se­nate Bill No. 27 na nais ibalik ang parusang kamatayan sa bansa kabilang na dito ang qualified trafficking.

Inihain din ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. ang Senate Bill No. 450 na nais patawan ng mas mahigpit na parusa ang mga kaso ng child abuse, exploitation at diskriminasyon.

Sa Mababang Kapulungan naman ay apat na kongresista ang naghain ng kani-kanilang bersyon bilang susog sa pag-amyenda ng naturang batas.

Sa ilalim ng kasalukuyang batas, mahaharap sa 15 taon na pagka­kabilanggo at multa na hindi bababa sa P500,000 hanggang P1 million ang mapapatunayang nagkasala ng attempted trafficking in persons.