Magandang balita para sa mga ‘Angkas Riders.’
Ito ay makaraang palawigin pa ng Technical Working Group (TWG) ang pilot implementation ng nasabing motorcycle taxi, at may dalawa pang karagdagang mga nagbibigay ng JoyRide at Move It na pinayagang sumali sa implementasyon.
Sa isang pahayag, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na mula December 23 hanggang March 23, 2020 ang extended pilot implementation.
May allotted cap na 39,000 bikers – 10,000 bikers kada Transport Network Company sa Metro Manila at 3,000 bikers kada TNC para sa Metro Cebu operations.
Ayon sa TWG, sumailalim sa masusing evaluation, inspection at validation ng pangkalahatang kahandaan ang motorcycle taxi applicants.
Bago mapaso ang pilot implementation sa December 26, anim na kompanyang gustong maging motorcycle taxi provider ang nagsumite rin ng kanilang proposal sa TWG. Apat dito ang isinailalim sa ebalwasyon at tiningnan ang mga pasilidad bilang basis of compliance.
Una dito, nitong nakaraang araw ay nag-trending sa social media ang pagpapahayag ng suporta ng #SaveAngkas nang malaman na malapit nang matapos ang anim na buwang ‘pilot run’ nito ngayong Disyembre 26.
Magugunitang nagsimula ang ‘pilot run’ nitong Hunyo upang bigyan umano ng DOTr ng sapat na panahon ang TWG na pag-aralan ang legalisasyon ng app’s ride-sharing service.
Nabatid na sa ilalim ng Republic Act No. 4136 o the Land Transportation and Traffic Code, nakasaad na nauuri ang motorcycles bilang alinmang pribado (only used by registered owners) o government (only used when fulfilling government functions) na behikulo.
At sa ruling ay pinigilan ang Angkas na makapag-operate ng ligal bilang public ride-hailing mobile app service. (Dolly Cabreza)