Posibleng binabantayan ng China ang mga proyektong isinasagawa ng pamahalaan sa Pag-asa Island kung kaya’t may mga barko ito sa naturang lugar.

Ito ang inihayag ni Armed Forces of the Phi­lippines (AFP) spokesman Brig. Gen. Edgar Arevalo sa panayam ng isang himpilan ng radyo noong Martes.

Nabatid na kasaluku­yang may ginagawang improvement work sa Pag-asa Island, partikular ang beaching ramp at nire-repair din ang runway dito.

“At ang atin pong obserbasyon ay nandoon sila upang magpakita ng kanilang presensiya. At the same time, meron po kasi tayong proyektong ginagawa diyan sa Pag-asa Island, naibabalita n’yo naman po iyan sa maraming pagkakataon, at ang atin pong tingin dito ay kasama iyon sa kanilang minamanmanan,” pahayag ni Arevalo.

Kaugnay nito, tiniyak ni Arevalo na regular na nagpapatrulya ang AFP sa Pag-asa Island.

Sinabi pa nito na wala pa naman silang natatanggap na report tungkol sa mga mangi­ngisdang Pilipino na sinasabing tinataboy ng mga Chinese vessel sa Pag-asa Island.

Hinimok ni Arevalo ang mga mangingisda na ituloy ang pangi­ngisda sa lugar at i-report sa mga awtoridad kapag nakaranas ng harassment o anumang nakita na paglabag sa kanilang karapatan. (PNA)