Dear Kuya Rom,
Wala kaming tinanggap na suporta mula sa kanila. Kontra sila sa amin. Pero bilang mga magulang, inimbitahan namin sila sa aming kasal. Hindi sila sumipot. Biro mo, kuya, sa araw ng wedding namin, panay ang “Sorry!” ng mister ko sa akin dahil sa ginawa nila.
Natuloy ang kasalan. Galing ako sa isang malaki at masayahing pamilya, kaya’t ang buong suporta nila ay malaking bagay para sa amin. Maligaya ako sa araw na iyon, pero may mga sandaling parang nasasaktan at natatahimik ang mister ko.
Nauunawaan ko siya, kasi nag-iisang anak siya, galing sa isang mayaman, pero magulong pamilya. Pagkatapos ng kasal, bumisita kami sa mga magulang niya. Hindi kami pinapasok ng bahay. Hindi nila ako matanggap na asawa ng kanilang anak.
Anim na buwan na kaming kasal ngayon. Buntis na ako. Natutuwa kaming mag-asawa sa pagdaan ng mga araw. Pabirong sabi ng mga kapatid ko sa aming dalawa, sobrang tamis ang pagmamahalan namin, baka kami langgamin.
Nakatataba ng puso. Pero sumasagi pa rin sa isip ko na buong buhay na maaalala ng mister ko ang masamang ginawa ng kanyang mga magulang sa amin. Siya ay anak pa rin nila. Ako lamang sana ang huwag nilang tanggapin. May pag-asa bang maging maayos ang lahat? —
Betty
Dear Betty,
Bagong kasal kayo. Ituloy ninyo ang honeymoon. Mabuting lasapin ninyo ang ligaya sa lahat ng sandali.
Panatilihing positibo ang pag-iisip, at ibaon sa limot ang anumang negatibong bagay. Buntis ka, at mahalagang manatiling malusog ang iyong isip, damdamin at katawan.
Ipagkatiwala ninyo sa kamay ng Diyos ang inyong pag-iibigan. May sariling pamilya na kayo ngayon, at mahalagang nakatuon kayong mag-asawa sa kasalukuyan, sa pagpapaunlad ng inyong buhay at sa paghahanda para sa magandang kinabukasan.
Kapag kasama ninyo ang Diyos sa lahat ng sandali, mararanasan ninyo ang Kanyang kabutihan. Bibigyan Niya kayo ng karunungan at kalakasan upang mapagtagumpayan ang anumang pagsubok na darating. Magiging tulad kayo ng agila na may lakas lumipad paakyat sa kalangitan at gawing maliit sa paningin ang mga problema. Magiging tulad kayo ng ibon na payapang nakakanlong sa sanga ng kahoy sa gitna ng unos, naniniwalang hihinto rin ang malakas na ulan.
Manatili kayo sa Diyos, at manalig na lilipas din ang mga pagsubok. Samantala, huwag kalimutang mamuhay nang may pag-ibig sa kapwa. Halimbawa, dahil hindi kayo pinapapasok sa bahay ng kanyang mga magulang, huwag muna kayong bumisita sa kanila.
Mabuting sumulat na lamang kayo sa kanila, at sabihing mahal ninyo sila. Padalhan ninyo sila ng mga birthday at Christmas greeting cards para ipadamang naalala ninyo sila. Sa inyong puso at isip, patawarin ninyo sila sa anumang pagkukulang nila.
Sa Diyos lamang umasa, hindi sa tao. Kikilos ang Diyos sa tamang panahon. Gagawin Niya ang mabuti at aayusin ang lahat. God bless you!
Payong kapatid,
Kuya Rom