Pag-atake ng NPA, ‘Exhibit B’ sa ML extension

Itinuturing ng isang kongresista na Exhi­bit B kung bakit kailangan palawigin ang batas militar sa Mindanao, ang pag-ambush ng puwersa ng New People’s Army (NPA) sa Presidential Security Group sa Arakan, Cotabato.

“That cowardly attack is Exhibit B for extension of ML and suspension of writ of habeas corpus. Exhibit A would be Marawi,” ani PBA Party-list Rep. Jericho Nograles sa mga mamamahayag kahapon.

Hindi matanggap ng mambabatas na habang nagsisikap ang gobyerno na matapos na ang problema sa rebelyon ay pa­tuloy naman sa pagsasagawa ng pag-atake ang armed group ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP).

Maging si Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe ay disma­yado sa pag-atake sa security group ng Pangulo habang ang kanilang mga lider ay umaapela na ituloy ang peace talks.

Ayon naman kay Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano, walang ibang dapat sisihin sa nangyayaring ito kundi si Duterte mismo dahil hindi umano klaro ang mga unang pag-uusap sa mga komunistang grupo.

“Ang pakikipag-usap ay dapat prayoridad ng gobyerno pero dapat obserbahan ang mga safeguards laban sa pag-abuso sa pag-uusap at klaruhin ang isyu kung alin lang ang hawak nila sa mga pwersa ng NPA para magkaroon ng leveling ng expectations. Otherwise, mahirap intindihin ang pabagu-bagong ihip ng negosasyon,” ani Alejano.