Pag-endorso ni Miss U sa Rizal Park, pinalakpakan

Labis na ikinatuwa ni National Parks Development Committee (NPDC) executive director Pene­lope Belmonte ang ginawang pag-endorso nang personal ni Miss Universe 2018 Catriona Gray sa Rizal Park bilang pangunahing ‘tourist destination’ bago pa man siya umalis ng bansa para sa Miss Universe competition sa Bangkok, Thailand.

Ayon kay Belmonte, personal na nagtungo si Gray sa Luneta Park at gumawa ng videotaped endorsement nang walang kapalit. Nai-feature sa nasabing video ang Luzon at Luneta ang siyang ipinakita sa pagsisimula nito.

‘Truly, she is a beautiful woman inside and out. So humble, down-to-earth and friendly and yet she exudes elegance and all the qualities of a true Miss Universe,’ ani Belmonte.

Personal na tinanggap ni Belmonte si Gray sa pagbisita nito sa Rizal Park kung saan natalakay umano nila ang iba’t-ibang topic gaya ng turismo at mga personal nilang adbokasiya.

Ikinatuwa umano ni Belmonte na may mga ina­alagaang kabataan si Gray mula sa mahihirap na komunidad ng Tondo dahil siya man ay may mga sarili ding inaalagaan na streetchildren.

Nagpahayag din si Belmonte ng pag-asa na makabisitang muli si Gray sa Luneta upang makapiling ang mga mahihirap na batang inaalagaan ng NPDC sa pamamagitan ng mga pangunahing pa­ngangailangan at daycare teaching.

Sinabi ni Belmonte na talagang kakaiba ang kagandahan ni Catriona na halos wala umanong makeup nang magkita sila. (Juliet de Loza-Cudia)