Kinuwestiyon ni Senador Franklin Drilon kung bakit ang pribadong Philippine Asian Games Organizing Committee Foundation (Phisgoc) na pinamumunuan ni House Speaker Alan Cayetano ang nangangasiwa sa paghahanda para sa SEA Games 2019 na idaraos sa bansa sa Nobyembre 30-Disyembre 11.
Ayon Senate minority leader, isang pribadong organisasyon ang Phisgoc kaya’t hindi dapat ang mambabatas gaya ni Cayetano ang maupo bukod sa isang pribadong event din ang SEA Games.
Dahil sa kumain ng maraming oras ang pag-uusisa ni Drilon kay Cayetano at ilan pang may kinalaman sa Phisgoc at SEAG, pinagpaliban na ng Senado ang plenary deliberations hinggil sa 2020 budget ng Philippine Sports Commission.
Binawi din ng Senado ang pag-apruba sa panukalang P15.496 bilyong pondo ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Ito’y matapos kuwestiyunin ni Drilon ang pamamahala sa tinayong New Clark City Athletics Stadium na matatagpuan sa New Clark City sa Capas, Tarlac.
Bago ito, inaprubahan na ng Senado ang P15.496 bilyong pondo ng BCDA na walang pagtutol ng mga senador.
Ayon kay Drilon, wala umano siyang nakikitang malinaw na financial plan para mabawi o ma-maintain ang naturang sports hub.
Ang New Clark City Sports Complex ay P5 billion project sa ilalim ng BCDA.
“We are just concerned that given the amount of resources that we have devoted for, for capital outlay we don’t see clear financial plan order to either recover or maintain it properly,” ani Drilon.
Nababahala si Drilon na baka magaya lang ang naturang sports center sa ibang bansa katulad nang nangyari sa sports stadium sa Rio de Janeiro sa Brazil, Athens sa Greece at Beijing sa China na napabayaan matapos isagawa ang Olympics.
“That is why we thought given this experience around the world, the BCDA could have learned from this experience and be prepared to come up plan in order that these facilities will no got to waste,” dagdag pa nito.
Dito na tinanong ni Drilon bakit nasa pamamahala ng BCDA ang naturang sports center at hindi sa PSC.
Dahil dito, hiniling ni Drilon na bawiin muna ang naunang inaprubahang pondo ng BCDA hangga’t hindi naisusumite ng kagawaran ang sagot sa kanyang tanong tungkol sa isyu ng pamamahala ng naturang sports center. (Dindo Matining)