Pag-ibig at malasakit

Dear Kuya Rom,

Just call me Patricia. Ako ay Cristiano at isang church worker sa opisinang pinamumunuan ng pastor at ng church administrator namin.

Sa loob ng sampung taong paglilingkod ko, ibinubuhos ko ang lahat ng makakaya ko para magawa ko ang tungkulin ko, hanggang sa ako ay nagkakasakit na kung minsan. Pero parang hindi nakikita ito ng pamunuan.

Sa karanasan ko, ang paraan ng pamamahala nila ay tulad sa patakbo ng isang kompanya ng isang negosyante. May work metrics na kailangang abutin. Kapag sa tingin nila ay may pagkukulang ka, hindi ka kakausapin, at paparusahan ka.

Sa sitwasyon ko ngayon, ang parusa ay hindi pagbibigay ng incentive midyear bonus sa akin na inaasahan ko para sa pag-aaral ng anak ko. Ito ay desisyon ng pastor.

Sabi ko sa administrator, kung hindi ako karapat-dapat sa trabahong ito, itiwalag nila ako at bigyan ako ng separation pay na lang. Ang sabi niya, ang trabaho ko sa church ay tawag ng Diyos. Ito ay “calling” daw at kailangan akong magsakripisyo.

Sa tingin ko, mas gusto nilang mag-resign ako, para wala silang babayaran. Kuya, kindly share your thoughts on this. Thank you so much, and God bless. — Patricia

Dear Patricia,

Dalangin kong makita natin ang liwanag upang makapamuhay tayo sa paraang nakakalugod sa Diyos. Tulad ng isang ama na gustong tulungan ang kanyang anak, ipaglalaban kita.

Ito ay isang isyung kailangang pagtuunan ng malalim na pag-aaral ng mga pastor, pari at church leaders: Ang pamamahala ba ng simbahan ay tulad sa patakbo ng isang negosyo?

Ang personal na opinyon ko – hindi – with due respect to all concerned.

Noong 2005, may ginawang pag-aaral sa Amerika. Ang nadiskubre nila ay ito: (1) Hindi itinuturo sa business school ang pag-ibig at malasakit sa kapwa; (2) Maraming kumpanya ay walang pag-ibig sa kapwa na nagiging dahilan ng pag-alis ng mga empleyado; (3) Ang ilang kumpanyang isinasabuhay ang bukas na komunikasyon, pag-ibig, pagpapatawad at malasakit sa kapwa ay may mga mas maligaya, masipag at epektibong empleyado at nakararanas ng higit na tagumpay sa negosyo.

Sapagkat turo ng Panginoong Jesus ang pag-ibig, pagpapatawad at malasakit sa kapwa, ang simbahan ay dapat na manguna sa pagsasabuhay ng mga prinsipyong ito at hindi ang iilang kumpanya lamang. Pag-ibig ang mangingibabaw sa work metrics.

Oo, ang paglilingkod sa simbahan ay tawag ng ­Diyos. Subalit ang pagiging ina at ama na tutustos sa pangangailangan ng pamilya ay tawag din ng Diyos. Higit sa lahat, ang isabuhay ang pag-ibig, pagpapatawad at malasakit sa kapwa ay tawag ng Diyos sa lahat ng Cristiano at ito ay tawag ng Diyos sa simbahan.

Sa iyong trabaho bilang church worker, sana’y kinausap ka, binigyan ka ng gabay, payo, due process at hindi walang pusong parusa. Ang bigyan ka ng midyear bonus sa kabila ng iyong pagkukulang ay pag-ibig at malasakit. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom