Si Perly at mister niya ay sampung taon nang nagsasama. Sila ay may dalawang anak. Buntis si misis nga­yon. Ang problema, hindi na umuuwi si mister. May kutob si Perly na may ibang babae ito. Ang gusto ni mi­sis ay mag-usap silang mag-asawa, pero ang paraan ni mister para harapin ang problema ay paglalasing. Ang tanong ni Perly: “Baliw ba ako na mahalin siya nang totoo at manatiling asawa niya kahit na wala na siyang pagmamahal sa akin at wala nang katatagan sa relasyon namin? May magagawa ba ang pagmamahal ko?” Ito ang huling bahagi ng payo sa kanya.

Dear Perly,
Pag-ibig at katotohanan ay matibay na haligi ng isang matatag na relasyon ng mag-asawa. Nawa’y mai­sabuhay ninyong dalawa ang pag-ibig at katotohanan.

1. Ang pag-ibig ay mapagtiis, mabait, hindi nagsese­los, hindi hambog o mapagmataas, hindi bastos ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob, hindi natutuwa sa kasamaan kundi nagagalak sa katotohanan, matiyaga, laging nagtitiwala, laging may pag-asa, at tinitiis ang lahat. Isabuhay mo ang mga ito upang ikaw at iyong pamilya ay pagpapalain.

2. Ang katotohanan ay siyang magbibigay ng ilaw at magbubukas sa isipan upang makita ang anumang kalikuan na kailangang ituwid. Ang katotohanan ay siyang papatnubay upang aminin ang dapat aminin na walang halong pagsisinungaling. Ang katotohanan ay siyang aakay upang makapamuhay nang may tapat na pag-ibig at matutunang magmahal ng lubos. Ang katotohanan ay siyang magdadala sa inyo sa Diyos. Siya ay pag-ibig at katotohanan.

Perly, ikaw ay nasa tamang landas. Ang manatili kang asawa ng mister mo kahit may kutob kang hindi siya tapat sa iyo ay isang matuwid na prinsipyo. Ikaw ay nagpapakita ng katatagan ng puso at kalinawan ng isip. Hindi ka baliw.

Ang mahalin siya sa kabila ng kanyang paglalasing na paraan niya para iwasang pag-usapan ang problema ninyo ay isang matibay na pundasyon upang hindi masira ang inyong relasyon. Ito ay makakabuti sa inyong mga anak. Kailangan nila ang iyong pagmamahal sa kanilang ama upang maging matatag ang inyong pamilya.

Ang isang matatag na pamilya ay mabuti at mala­king tulong sa maayos at matagumpay na buhay ng inyong mga anak, hindi lang sa panahong lumalaki sila kundi sa panahong mapagtagumpayan nila ang iba’t ibang pagsubok sa hinaharap.

Isama mo sa pag-ibig ang katotohanan. Ito ay maha­laga upang magkaroon ng balanse at hindi maabuso ang pagmamahal mo. Hinihingi ng pag-ibig ang katotoha­nan upang ang buhay ay magkaroon ng kaayusan. Ang katotohanan ay gagabay sa pag-ibig. Ang katotohanan ay magbibigay ng proteksyon sa pag-ibig.

Kapag naranasan at napatunayan ng iyong mister ang kadakilaan ng iyong pag-ibig, sa biyaya ng Diyos, ito ang magtutulak na makita niya ang katotohanan­ na magdadala sa kanya sa pagsisisi at talikuran ang anumang kasamaang sumisira sa inyong relasyon.

Para isabuhay ang pag-ibig at katotohanan ay hindi madali, pero hindi imposible. Lumapit ka sa Diyos, manikluhod ka at magsumamo sa Kanya sa panalangin, at manalig na walang imposible sa Kanya. Maibabalik Niya sa iyo ang iyong asawa. God bless you!

Payong kapatid,
Kuya Rom