Paulit-ulit na ipinapaalala sa administrasyon na dapat tignan natin ang karanasan ng mga bansang pinapautang ng China. Ang mga bansang ito ay nawalan ng mga teritoryo at iba pang mahahalagang assets dahil hindi sila makabayad ng utang. Maaaring mangyari sa atin ito sa ilalim ng Build, Build, Build Projects.
Malaking bahagi ng pondo para sa Build, build, build projects ay magmumula sa Chinese loans. Ito ay pautang na may interes. Mas malaki pa nga ang interes nito kaysa sa loans na iniaalok ng Japan. Sa kabila ng mga pagbabalala, mukhang desidido pa rin ang administrasyon na mangutang sa China.
Magsilbi sanang aral sa adminsitrasyon ang kaso ng Kenya na nanganganib na mawalan ng kanilang Port of Mombasa dahil hindi makabayad sa $2.3 billion na utang sa China. Naging collateral ang Port of Mombasa sa kanilang utang upang maipatayo ng Chinese companies ang kanilang railways.
Noong Setyembre 2018 lang, napilitan ang Sri Lanka na isuko sa China ang kanilang Hambantota Port dahil hindi rin makabayad sa utang sa China para ipatayo ang mga railways at iba pang proyekto sa kanilang bansa. Imbes na makatulong sa dalawang bansang ito, ang pautang ng China ay lalo lamang silang inilulubog sa kahirapan. Ang kita ng mga pantalan na nasa kontrol na ng China ay mapupunta rin sa Chinese government at hindi sa kanilang mga lokal na mamamayan.
Marami pang bansa ang nanganganib na makontrol ng tuluyan ng China ang kanilang assets. Kabilang na dito ang Pilipinas kung hindi pag-iisipang mabuti ng administrasyon ang kanilang pangungutang. May pagkakataon pa ang administrasyon para baguhin ang kanilang polisya sa pangungutang sa China dahil ayon sa IBON Foundation, humigit kumulang na $200 milyon pa lang ang kanilang nauutang. Malayo pa ito sa $24 billion na ipinangako ng China na kanilang ipapautang sa Pilipinas.
Kung sa Kenya $2.3 bilyon lang ang utang ay ginipit na ng China, paano pa kaya ang Pilipinas na hindi hamak na mas malaki ang balak utangin? Kailangang mag-isip-isip ang administrasyon dahil buong sambayanang Pilipino pati na ang mga susunod na henerasyon ang magdudusa dito kung sakaling malubog tayo sa pagkakautang.