Nag-trending agad sa social media ang bonggang pagbubukas ng 30th SEAG pero may kakaibang eksena na hindi nakalusot sa mga mata ng netizen at ito ay ang pekeng pag-ilaw ni boxing champ Manny Pacquiao sa kontrobersyal na P55 milyong ‘gintong kaldero’ sa New Clark City.
Nakumpirma na pre-taped ang ginawang cauldron lighting ni Pacman at ang magarbong fireworks display.
“Hahahaha! Kelan nga ba nag-lighting ng cauldron si Pacquiao? Kelan din ang fireworks? Anong date? Ang daming tao sa Clark pero wala naman silang nakita. ‘Yan ang sinasabing fake,” sabi pa sa Twitter.
“Andun ka ba nung umilaw yung cauldron? Send ka naman ng picture para mapatunayan natin na fake news na di umilaw.”
Nakumpirma na Martes pa umano ginawa ang taped presentation sa New Clark City na ipinakita sa sa huling bahagi ng engrandeng opening ceremory sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Maraming manonood ang hindi pinapasok sa New Clark City kahapon at pinababalik na lamang ngayong araw matapos ang opening ceremony. Karamihan sa mga spectator ay galing pa sa malalayong probinsya gaya ng Laguna, Isabela at sa Visayas,
Marami ang nag-abang sa sinasabing sopresa ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc) kung paanong isasabay sa grand opening sa Bulacan ang pag-iilaw ng cauldron sa Clark pero nadismaya sila sa fake na pag-ilaw ng cauldron sa NCC.