Lahat ng bata – nakapagtapos man ng pag-aaral o hindi – ay tinuruan ng kagandahang-asal.
Masama ang magsinungaling. Dapat ay marespeto sa kapwa, hindi lang sa nakakatanda.
Hindi tama ang manakit ng kapwa sa anumang anyo. Mali ang kumuha at maghangad ng hindi iyo at ang anumang inangkin nang walang pahintulot ay dapat isoli.
Kaya sa alinmang usapin, legal man o sa mediation ng mga taong may awtoridad, pinagpapasyahan kung ang isang yaman o pag-aaring materyal ay napunta sa hindi tunay na may-ari.
Oras na madesisyunan na hindi tamang may-ari ang kinapuntahan ng isang yaman o ari-arian, kailangan itong isoli sa marapat na may-ari.
Imposible na ipasoli ang isang bagay kung ang humahawak nito ngayon ay siyang marapat na may-ari.
Kapag pinasosoli ay hindi sa iyo. Kung paanong napunta sa pag-aari mo ang isang bagay na hindi iyo ay panibagong usapin na nireresolba sa legal na paraan.
Simple lang ang gabay na ginagamit sa kagandahang-asal. Huwag kumuha ng hindi iyo at kapag hindi iyo, kailangang isoli.
Kapag bata, mayroong mga pamamaraan para maturuan ng leksyon sa nagawang mali gaya ng pagkuha o pag-angkin ng hindi iyo.
Napakahalaga ng parusa upang maleksyon ang nagkasala.
Sa ganitong paraan ay magtatanda ang nagkasala upang hindi na ulitin ang maling nagawa at matanim sa isip na walang kasalanan na hindi pinagdurusahan.
Sana ay magsilbing mabuting taga-gabay sa buong sambayanan ang lipunan at ang sistema ng pamahalaan upang manatiling matatag ang pundasyon ng kagandahang-asal.