Pag-sorry ni Bertiz dapat sinsero – Aiko, Mayor Jun

Bilang servant, dapat umanong magpakumbaba si ACTS-OFW Party-list Rep. Aniceto “John” Bertiz sa publiko at ma­ging magandang ehemplo sa ibang tao.

Ito ang payo ni Subic Mayor Jay Khonghun kay Bertiz kasunod ng lumabas na viral video kaugnay ng ginawa niyang pambu-bully sa security checker sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

“As public servant ka kailangang yung humi­lity and you should be an example sa ibang tao,” reaksiyon ng alkalde matapos mag-guest sa programa ng Abantelli­ling kahapon kasama ang kasintahang si Aiko Melendez.

“Dapat tinitingnan mo rin kung ano ang sinasabi mo, kasi siyempre napakaimportante na iyung sinasabi mo eh tama,” dagdag pa nito.

Bagama’t humingi na nang paumanhin ang kongresista, sinabi ng alkalde na dapat sinsero ito at walang halong kaplastikan.

“Sana makita niya sa sarili na nagkakamali siya. ‘Wag lang niyang uulitin at dapat sinsero ang kanyang pagso-sorry,” sabi ni Khonghun.

Samantala, ngayong umaga ay isasalang si Bertiz sa House ethics committee na pinamumunuan ni AGRI-Party-list Rep. Delphine Gan Lee.

Nakahanda naman si Bertiz na makipagtulu­ngan sa anumang gagawing imbestigasyon ng komite.