Ipinaliwanag kahapon ni Engr. Mike Capati, Director for operations ng Department of Transportation (DOTr), na nagkaroon ng short circuit ang traction motor ng tren matapos na magdikit ang contractor nito kaya umusok ang isang bagon ng Metro Rail Transit (MRT) Line 3 at tumigil ito sa pagitan ng Cubao at Santolan Station sa Quezon City nitong Lunes ng gabi.

Ayon kay Engr. Mike Capati, Director for Operations ng DOTr-MRT-3, natural lang na nangyayari ang pag-usok dahil araw-araw na ginagamit ang tren, subalit sinisi­guro naman nilang nasa maayos na kondisyon ang kanilang mga bagon bago ito bumiyahe.

Kaugnay nito, sinabi ni Ca­pati na naka-order na sila ng bagong piyesa para sa ‘traction motor’ na ­siyang nagpapa-andar sa tren at iba pang major spare parts at ito ay ina­asahang made-deliver sa loob ng ­dalawang buwan.

Magugunitang nitong Lunes, dakong alas-6:02 ng gabi, agad na pinababa na inalalayan pa ng mga security personnel at napilitang maglakad sa gilid ng riles ng tren ang mga pasahero ng ­MRT-3 sa pagitan ng Cubao at Santolan station.

Ang nasabing tren ay patu­ngong Makati at kakaalis lamang ng ­Cubao Station nang umusok ito, pero agad ding naisaayos ang biyahe ­bandang alas-6:35 ng gabi. ­(Dolly Cabreza)