Pagalingan na lang! Pagbawas ng motorcycle taxi butata kay Poe

Iginiit ni Sen. Grace Poe ang patas na pagtrato at kumpetensiya ng mga motorcycle taxi para sa ikabubuti ng mga pasahero.

Iginiit ni Poe ang fair competition sa motorcycle taxi imbes na lagyan ng limitasyon ang bilang ng mga units na magseserbisyo sa publiko.

“If ever the Land Transportation Franchising Regulatory Board comes up with a number generally for all and then it’s up to them to apply. Pabilisan na lang sila, pagalingan,” pahayag ni Poe sa panayam ng ANC kahapon, Miyerkoles.

Nilinaw ni Poe na ang maraming bilang ng operators ay magbibigay sa mga pasahero ng malawak na opsiyon kung saan sila sasakay.

Noong nakaraang lingo, inendorso ni Poe ang Senate Bill No. 1341 o “Motorcycle-for-Hire Act” na nagle-legal at nagre-regulate ng motorcycle taxis.

Nagsisilbi si Poe bilang chairperson ng Senate committee on public services kung saan nais niyang isailalim sa regulasyon ang motorsiklo bilang isang lehitiong public transport utilities.

Naniniwala pa rin si Poe na dapat ding ituloy ang mga proyekto sa mass transport system sa bansa.

Kailangan umanong amyendahan ang Republic Act 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code na nagbabawal sa paggamit ng motorsiklo bilang pampasahero.

Kailangan ding kumuha ang motorcycle-for-hire ng certificate of public convenience o special permit sa the Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Kailangan din ang tradisyonal na rehistro at driver registration kung saan ang mga tsuper ay dapat sumailalim sa rigorous training.

Ang pagsasabatas ng mga regulasyon ito ang magtutulak upang mailigtas sa panganib ang mga sumasakay.