Alin ang mas epektibo, ang traditional media o ang social media?

Sa aking payak na opinyon, parehas lang pero ma­laki ang pagkakaiba. Lalo na sa malaya at responsibleng pamamahayag.

Ang traditional media gaya ng mga lehitimong dyaryo, radyo at telebisyon ay sakop ng batas, kaya nga sapol sila sa kasong libelo kapag may paglabag.

Ang social media ay walang malinaw na pamantayan sa batas, bukas sa lahat na magsalita ano man ang gustong sabihin.

Sa totoo lang, hindi mabibigyang-pansin ang napag-uusapan sa social media o ng isang blogger gaano man ka-viral o kontrobersyal kung hindi ito bubuhatin o ibabalita ng traditional media.

Kapag ibinalita na ng traditional media ang napag-uusapang kontro­bersya o nag-viral mula sa social media ay dito na papasok ang mga eksperto mula sa iba’t ibang larangan upang magbigay ng kanilang opinyon kung alin ang tama at alin ang mali sa usapin sang-ayon sa umuiiral na batas ng lipunan.

Hindi kailanman ay madadaig ng social media ang traditional media, gaya ng paniniwala ng ilan na sumikat dahil social media.

Gaya na lamang ang mainit na usapin sa pagkakapaslang sa 17-anyos na si Kian delos Santos.

Halos magpatayan sa tagisan ng opinyon ang mga tinatawag na ‘yellowtard’ at ‘dutertard’.

Hindi naman lahat ay kasama sa tagisan pero nagbibigay ng kanilang opinyon ng walang kinikilingang personalidad o pulitika.

Sa gitna ng pagalingan ng opinyon, mangingibabaw pa rin ang mga opinyon na swak sa batas ng ating lipunan. Ito ang tangan ng traditional media at hindi ng social media.

At ang pinakahuli nga na siyang pinakahihintay ng lahat ay ang mismong mga katagang namutawi sa bibig ni Pangulong Rodrigo Duterte.

At the end of the day, ‘ika nga, ay ang korte pa rin ang magsasabi kung alin ang tama at alin ang mali sa nangyaring pagpaslang kay Kian.

Pero dahil korte na ang magpapasya ay hindi ibig sabihin na lahat ay tatahimik na.
Hindi, dapat lumabas ang katotohanan.

Karapatan ng mga sangkot sa pagpaslang na depensahan ang kanilang sarili, gaya din ng pagdepensa ng mga magulang, kaanak, kaibigan at tagasuporta ni Kian.

Nakakalungkot din na nagiging normal na lamang ang usapin ng pagtatanim ng ebidensiya, paggamit ng ‘fall guy’, at sabwatan maitago lamang ang tunay na pangyayari. Sa madali’t sabi, nagiging normal na ang pagtatahi ng kasinungalingan.

Kung talagang iiral ang hustisya, palagay ko malaki ang pananagutan sa batas ng mga sangkot sa pagpaslang kay Kian.

[Para sa suhestiyon at reaksyon, i-emal sa jbsalarzon@yahoo.com. Kumonekta sahttp://facebook.com/jbsalarzon]