Pagarahe na ang mga taxi

For The Record ny Boyet Jadulco

Hindi biro ang magnegosyo ng taxi. Para makakuha ng prangkisa, daang libong piso ang kailangang gastusin plus sampung balde ng pawis sa paglalakad ng mga papeles. Kapag may prangkisa na, dagdag gastos naman sa pagkabit ng metro at ID ng driver. Kailangan din na kulay puti ang sasakyan, may pangalan ng taxi at operator at contact number. Ito ay para lang maging ligal ang pamamasada ng taxi.

Sa Transport Network Vehicle Services (TNVS) tulad ng Uber at Grab, photocopy lang ng OR/CR ng sasakyan, kaunting seminar, at download ng kanilang apps,­ kinabukasan eh makakapasada ka na. Colorum nga lang ang turing dito dahil wala silang prangkisa o certificate of public conveyance (CPC) mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Marami sa mga taxi driver, may 5, 10 taon o higit pa ang experience sa pagmamaneho kaya kabisado nila ang lahat ng sulok ng Metro Manila. Marami naman sa mga driver ng Uber at Grab, mga first time driver at umaasa sa navigational apps na Waze sa pagtahak ng direksyon sa biyahe.

Sa kabila nito, patok ang serbisyo ng TNVS dahil sa malinis daw ang mga sasakyan, maayos manamit ang driver, hindi humihingi ng dagdag sa pasahe at kahit nasa bahay ka, pupuntahan ka para makasakay at makarating sa iyong paroroonan.

Kaya nang magpasya ang LTFRB na atasan ang Uber at Grab na i-deactivate ang tinatayang 50,000 nilang driver­ na walang hawak na prangkisa, maraming commuter ang umangal. Inulan din ng batikos ang LTFRB at maging ang mga mambabatas ay umeksena na sa problemang ito.

Masisisi ba natin kung magsagawa ng crackdown ang LTFRB kung ginagampanan lang nila ang tungkulin sa ilalim ng batas? Kailangan bang sila ang mag-adjust para maging legal ang operasyon ng mga colorum na TNVS dahil sa bagong teknolohiya ng transportasyon?

Siguro nga ay kailangan nilang mag-adjust tulad ng ginawa nila nang mauso noon ang bente-bente sa FX na ngayon ay nag-transform na sa UV Express.

Kung pahihintulutan ang higit pa sa 50,000 Uber at Grab driver na magpatuloy sa kanilang pamamasada habang nag-a-adjust ang LTFRB sa kanila, hindi malayong maglaho na sa kalye ang mga taxi sa darating na panahon. Kapag nangyari ito, habambuhay nang nasa garahe ang kanilang sasakyan.

Kinakain ng teknolohiya ang taxi. Hindi malayong matulad sila sa telegram na naglaho nang mauso ang cellular phone o ang makinilya na phase out na dahil sa mga computer. Hindi ‘yan magugustuhan ni Lucky Manzano na nagbuhos ng malaking halaga sa negosyong ito.

***

Nakakalungkot naman itong balitang baka hindi lagdaan ng Pangulo upang maging ganap na batas ang Free College Education bill. Lumobo raw kasi sa P50 bilyon ang gagastusin ng gobyerno dahil sa isiningit na probisyon ng mga kongresista.

Imbes na ‘yung mga estudyante lang sa State Universities and Colleges (SUCs) ang libre ang pag-aaral, isiningit ng mga kongresista na malibre rin ang pag-aaral sa Local Universities and Colleges (LUCs).

Nasa kamay na ngayon ng Pangulo ang bola.­ Lalagdaan ba niya ito o ive-veto? Abangan ang ­susunod na kabanata.