Maaliwalas na panahon ang mararanasan ngayong bisperas at araw ng Pasko, ayon sa tala ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Taliwas sa naranasan nitong weekend na may maulan na panahon na naranasan sa Metro Manila at sa ilang karatig na lalawigan.

Ayon kay Pagasa weather forecaster Raymond Ordinario, posibleng matunaw na ngayong araw ang mga kaulapang nagdadala ng pabugso-bugsong ulan sa Metro Manila.

Dagdag pa nito, may posibleng scenario ang kaulapan na may dalang low pressure area (LPA) na mataas ang tiyansang matunaw.

Ayon pa kay Ordinario, posibleng nga­yong araw ay maayos na ang panahon sa buong Luzon.

Hanging Amihan pa rin ang nakakaapekto sa kabuuang Luzon na nagdadala ng mahihinang pag-ulan sa Metro Manila, Cagayan Valley, Cordillera, Central Luzon, at Calabarzon. (Vick Aquino)