PAGASA: Sobrang init nakaka-heat stroke

Pumalo sa 53 degrees celsius na heat index ang pinakamataas na naitala kahapon na naranasan sa Butuan City habang 46 degrees heat index naman ang naranasan sa Metro Manila.

Ayon kay Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration(PAGASA) senior weather specialist Chris Perez, mula nang pumasok ang panahon ng tag- init ay nakakapagtala ang ahensya ng maximum daytime temperature.

Inaasahan ng weather bureau na ang temperatura at mga heat index na nararanasan ay patuloy na tataas sa buong buwan ng Mayo hanggang bago pumasok ang panahon ng tag- ulan.

Sa pitong PAGASA Synoptic Stations ay naitala ang 53% heat index sa Butuan City alas- 2:00 ng hapon; Ambulong, Tanuan City, 51 degrees heat index; Sangley Point, Cavite, 51 degrees; Clark Pampanga, 46 degrees celsius; Maasin City, 46 degrees na naranasan ala- 11:00 ng umaga; Science City of Munoz sa Quezon City 46 degrees celsius at sa NAIA Pasay City 46 degrees celsius na naranasan alas -12:00 ng tanghali.

Palagian ang paalala ng PAGASA sa publiko na umiwas na mabilad sa tindi ng sikat ng araw lalo na sa pagitan ng alas-11:00 ng tanghali hanggang alas- 3:00 ng hapon kung saan naitatala ang pinakamataas na heat index.

Ang 41 hanggang 54°C na heat index ay posibleng magdulot ng heat cramps at heat exhaustion na maaaring mauwi sa heat stroke lalo kung tuluy-tuloy ang ginagawang physical activity.

Bilang reaksyon sa nararanasang init sinabi ni Melanie Beltran, residente ng Altura Manila na malaking tulong ang lockdown para makaiwas ang marami sa heat exhaustion dala ng mataas na heat index. “Ngayon nasa bahay ang karamihan kaya wala pa tayong naririnig na biktima ng heat stroke, kaya mainam na huwag nang lumabas, ” pahayag nito.

Giit naman ng isang pulis -Maynila na ramdam nila ang matinding init kaya naman ang doble ingat din ang kanilang ginagawa. “May virus ka na na pinag iingatan, tapos may heat exhaustion pa dahil sa tindi ng init”giit pa nito.

Samantala, isang low pressure area (LPA) ang binabantayan ngayon ng PAGASA na namataan sa General Santos City, inaasahang papasok ang sama ng panahon sa Caraga Region sa araw ng Biyernes na maaaring magdulot ng pag -uulan subalit hindi ito magiging isang bagyo. (Tina Mendoza)