Masakit sa mata at sa puso na makita ang nakakalunos na estado ng sports sa bansa.

Kung noon ay lagi ta­yong nasa Top 3 ng Southeast Asian Games, nakapanlulumong makita sa medal standings ang Pi­lipinas na nasa likuran ng mga founding members ng SEA Games.

Isa tayo sa mga nagsabi at patuloy na nagsasabing dapat nang pinapali­tan ang mga namumuno sa sports noon pa! Ano pa ang gusto ninyong paliwanag at dahilan kung halos puro tantsan na lang at hindi na medalyang maipagmamalaki ang nakukuha ng ating manlalaro sa international scenes?

Marami na ang nagtangkang baguhin ang pamunuan ng sports sa bansa, pero dahil sa talas ng mga pag-iisip ng mga taong ayaw nang umalis sa puwesto at matatalino kung paano sila nakaangkla sa kanilang mga upuan, narito tayo ngayon at patuloy na kulelat.

Mantakin ninyo kung yung mga ginastos sa mga pagpapadala ng malalaking delegasyon (kasama siyempre ang mga pamilya) sa international stints at events ay ipinagpatayo natin ng sports gyms at complex, nakapag-develop sana tayo ng mga bagong atleta sa bansa.

Sabi nga, kung hindi kayang palitan ang mga taong nagpahirap sa Phi­lippine sports, panahon na para pumasok si Pa­ngulong Digong at magsagawa ng nararapat na pagbabago dito!

***

Isa tayo sa mga nagtatanong bakit itinigil nang ganun lang ang laban nina Mayweather at McGregor?

Sa mga nagbayad ng multi-million dollar ticket para manood ng live at doon sa milyun-milyong nanood sa pay-per-view, hindi dapat ganun ang kinalabasan ng labang yun. Kahit na boxing rules ang pinairal, hinihintay ng lahat na patulugin o pabagsakin ni Mayweather si McGregor para masabing may kinalagyan ang pinagbayaran nila.

Hindi porke’t nakitang groggy na si McGregor at hindi sumusuntok ay masasabing tapos na ang boksing. Kaya matapang pa nga­yon si McGregor na magsalita na pagod lang siya at hind dapat itinigil ang laban.

Sa laki ng inuwing dolyares ng dalawa, hindi masisi ang mga taong sumigaw ng “holdup in broad daylight!”