Mukhang malapit na nating matunghayan ang mga pagbabagong magaganap sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa na mahabang panahong napabayaan ng mga nagdaang gobyerno.

Hindi natin alam kung sinadya ba itong pabayaan o sadyang tigasin talaga ang mga nakakulong sa NBP kaya nagawa nilang paikutin gamit ang kanilang sandamakmak na salapi ang mga opis­yal at tauhan ng NBP kaya naipagpatuloy nila ang kanilang mga iligal na aktibidades gaya ng patuloy na operasyon ng iligal na droga.

Kaya naman saludo tayo sa political will na ipinamamalas ngayon ng gobyernong Duterte.

Sa totoo lang, walang kasing seryoso at sinsero tayong nakitang gumawa ng mga hakbanging ipinatutupad nga­yon ng gobyernong Duterte para matigil na ang kalokohan sa Bilibid.

Ang pagtatalaga ng Philippine National Police (PNP) ng elite force o ang Special Action Force (SAF) para magbantay sa NBP ang maituturing nating isa sa pinakatumpak na solusyong inilatag ng gobyerno sa matagal nang problemang ito sa NBP.

Tingnan natin kung kayanin pa ng kinang ng salapi ng tinaguriang high profile inmates ang mga miyembro ng SAF na magbabantay sa inyong segu­ridad diyan.

Kaya naman antabayanan natin sa mga susunod na mga panahon ang unti-unti nang pagbabago sa Bilibid. Ang pamamalakad na walang kinikilingang preso, ma­laki man ito o maliliit at higit sa lahat ay ang tuluyan nang paglinis sa NBP kung saan ay wala nang maipapasok na mga gadgets, kagamitan, armas at higit sa lahat ay iligal na droga na nabigong magawa sa kabila ng sangkatutak na “Oplan Galugad” na ikinasa.

Matatandaang malaking porsyento umano ng mga drug dealer sa bansa ay nag-o-operate mula mismo sa loob ng NBP.

2 Responses