Narito na ba ang tunay na pagbabago sa industriya ng karera?
Tanong ng karerahan sa bagong administrasyon ni Presidente Digong matapos ang kanyang SONA kahapon.
Halos lahat ng ating makausap sa karerahan ay iisa ang sinasabi at hinihiling – pagbabago sa lahat ng bagay mula itaas hanggang ibaba!
Matagal na kasing nakalugmok ang industriya ng karera sa bansa kaya ang asam na pagbabago para sa ikauunlad nito ay dapat nang umpisahan!
***
Tumawag ang isa nating source sa Malacañang at sinabi nito na masyado raw nakakatuwa ang kabi-kabilang bulungan at hanapan ng “masasandalan” ng mga gustong magpa-appoint sa Philracom.
“Ganyan na ba talaga katindi ‘yang opisina na ‘yan at talagang pinag-aagawan ngayon?” tanong ng ating source.
Marami raw ang tumatawag at nagpaparinig sa kanila, ang iba ay hayagan kung magtanong kung sino raw ang nag-a-appoint sa Philracom.
***
Malaking pagbabago sa pananaya sa Japan na ating napansin ay ang kung gaano kasimple ito ginagawa.
Nagkalat ang betting machine sa karerahan kaya kaunti lang ang nakita nating tellers na namamahala sa mga betting machines.
Dahil gusto ng mananayang makataya agad bago tumakbo ang karera, karamihan sa kanila, lalo na yung mga malalakas manaya at nagdadala ng malaking puhunan, ay umuupa ng mga “cubicles” na puno ng TV monitors na nagbibigay sa kanila ng impormasyon.
Pati live simulcast ng dalawa pang karerahan kapanabay sa karerahan na kanilang kinalalagyan.
Tatlo kasing karerahan ang magkakasabay na nagdaraos ng karera o simulcast kaya hindi na kailangang tumayo at tumakbo sa takilya ang mga mananaya.
Nakaupo sila ng kumportable sa “cubicles” at bastante sa pagpindot ng fastbet o pagpasok ng taya sa mga online betting machines.
Hindi kataka-taka na mabilis ang pasok ng benta dahil unti-unti nang inaalis ang pagtayo sa mga takilya. Walang pila, prenteng nakaupo pa ang racing aficionados at subsob sa pagpili ng mananalo.