Isinusulong ni Senador Richard Gordon ang panukala na magmamandato na ibalik sa kolehiyo at technical vocational courses ang basic citizen service training.
Sa kanyang Senate Bill 1417, o Citizen Service Act of 2017, iginiit ni Gordon ang pagbabalik ng Reserve Officers Training Corps (ROTC) dahil aniya sa nawawalang nationalism at patriotism ng kabataan.
Ipinaliwanag ni Gordon na alinsunod sa konstitusyon, may malaking responsibilidad ang kabataan sa nation-building at dapat aniyang isailalim ang mga ito sa training para sa physical, moral, spiritual, intellectual at social well-being.
Ipinaalala pa ni Gordon na madalas na ring nahaharap ang bansa sa mga kalamidad, natural man o man-made, kaya mahalagang magkaroon ng mga reserve officer na maaaring tumulong anumang oras.
Alinsunod sa panukala, bukod sa basic citizen service training, bubuo rin ng citizen service corps, at citizen service commission.
Iginiit naman ni Senador Sonny Angara na wala siyang nakikitang mali sa pagbuhay sa ROTC program subalit binanlaan ang gobyerno sa posibleng pag-abuso lalo na sa posibilidad ng mga hazing incident na pangunahing dahilan kaya binuwag ang programa.
Umapela si Deputy Speaker at Batangas Rep. Raneo Abu sa liderato ng Kamara na aktuhan na ang inihain niyang panukala patungkol sa pagbuhay ng Reserved Officers Training Corps (ROTC).
Ang panawagan ng kongresista ay bilang tugon sa hirit ni Pangulong Rodrigo Duterte na buhayin ang ROTC.
“I appeal to the House leadership to pass the ROTC bill in line with President Duterte’s desire to revive this aimed at promoting the prime duty of the government to serve and protect the people,” apela ni Abu.
Inihayag ni Abu na malaki ang maitutulong ng ROTC para mapukaw ang pagiging makabayan ng mga kabataan.