Inaasahan ni Sec. Joey Concepcion, Presidential Adviser for Entrepreneurship, na mayroon pang 2 years time frame bago muling bumalik sa normal ang ekonomiya.
“Hindi ko pa nakikitang magbabalik sa normal ang negosyo o ekonomiya natin sa taong ito. Kahit na makahanap ng vaccine, dahil sa taas ng demand sa buong mundo, baka huli pa tayong makakuha niyan kaya 2 years pa ang time frame siguro para makabangon,” sabi pa nito.
Kailangan pa umanong mag-shift muna ang mga lugar sa general community quarantine (GCQ) para tuluyang mabuksan ang ilan sa pinakaapektado ng pandemya, katulad ng turismo at mga kainan.
Dagdag pa niya, “Pinakaapektado ng COVID-19 sa negosyo ay tourism at mga restaurant. Ang tingin ko, sa first week of June, mag-shift na tayo sa general community qurantine para tuluyan nang mabuksan ang mga negosyong ito.”
Makakaranas pa ng kaunting pagkalugi ang mga kainan pagdating ng GCQ dahil sa takot nilang mahawa.
“Pero kahit buksan ang mga restaurant, kaunti pa rin ang mag-dine in d’yan dahil sa fear factor. Unless nakikita ng mga tao na bumababa ang infections, delivery at take out pa rin ang gagawin nila instead of dining in,” paliwanag pa nito. (Eralyn Prado)