Pagbabawas ng ‘endo’ minamadali

Minamadali na ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapalabas ng memorandum na naglalayong mabawasan ng 50-porsiyento ang ‘endo’ bago magtapos ang taong 2016.

Ito ang sinabi ni DOLE Sec. Silvestre Bello III kung saan inatasan na nito ang lahat ng DOLE regional offices na umpisahan na ang paglilinis sa mga kumpanya na nagpapatupad ng ‘endo’.

“Nilalayon kong mabawasan ang kontraktuwalisasyon ng 50-porsiyento sa pagtatapos ng 2016,” sabi ni Bello.

Sinasabing ang mga manggagawa sa ilalim ng ‘endo’ o ‘555’ ay tumatanggap ng mas mababa sa itinatakdang minimum na sahod at walang benepisyo tulad ng Social Security System (SSS), Pag-Ibig at PhilHealth.

“Tinatanggalan ng mga establisimiyentong nagpapatupad ng iligal na kontraktuwalisasyon ang mga manggagawa ng kanilang overtime, holiday pay, at iba pang benepisyo,” ani Bello.

Sa ginanap na unang senior officials meeting (SOM) ng kagawaran, ina­tasan ni Bello ang mga DOLE regional offices na magsumite ng listahan ng mga establisimiyento na nagpapatupad ng kontraktuwalisasyon.

Sa nasabing listahan, malalaman ng DOLE Regional Office kung alin sa mga establisimiyento ang gumagamit ng ‘endo’.

Idinagdag din ni Bello na may mga panukala na mula sa iba’t ibang grupo ng manggagawa kung paano mapapatigil ang kontraktuwalisasyon o ‘endo’ sa ating bansa.

Ang mga nasabing proposal, mula sa pagrerepaso at pagpapawalang-bisa ng Department Order 18-A, ay kasalukuyang pinag-aaralan ni Undersecretary Joel Maglunsod kasama ang iba pang opisyal ng kagawaran.