Pagbaha resolbahin muna bago ang Loakan Airport upgrade

Pagbaha resolbahin muna bago ang Loakan Airport upgrade

Bago ang modernisasyon sa Loakan Airport sa Baguio City, hiniling ng mga residente na solusyunan muna ang pagbaha sa kabahayan na malapit sa runway.

Sa petisyon ng mga residente ng Brgy. Loakan Proper, lumalabas na nasira ang 11 kabahayan at isang apartment building na malapit sa nasabing airport nang dahil sa baha na dulot ng bagyong Ompong noong 2018.

Ayon pa sa mga residente, mas lalala umano ang pagbaha kung itutuloy ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang pagtaas ng pader ng airport ng higit 1.82 metro.

Dagdag pa ng mga residente, hindi umano nito tinututulan ang proyekto ng CAAP, hinihingi lamang umano nito na tukuyin muna kung ang pader nga ng airport o drainage sa access road nito ang dahilan ng nangyaring pagbaha.