Pagbalik ng ROTC kasado sa Kamara

Inaprubahan ng Ma­babang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magbaba­lik sa mandatory mili­tary training para sa mga mag-aaral ng senior high school sa buong bansa.

Sa botong 167 pabor at apat lang ang komontra, pinagtibay ng Kamara sa ikatlo at hu­ling pagbasa ang pagbabalik ng Reserve Officers Training Corps (ROTC) bilang isang kurso sa mga nasa Grade 11 at 12.

Gayunman, sinabi ni House Majority Leader at Capiz Rep. Fredenil Castro na kahit inaprubahan na nila ang panukala ay malabo ang tsansa na maipatupad ito sa darating na pasukan dahil iaakyat pa ito sa Senado.

Samantala, nabatid na bagama’t manda­tory ay nagtakda rin ang Kamara ng mga exemption sa pagpapatupad ng ROTC sa senior high school.

Kabilang sa mga exemp­ted sa ROTC ay iyong mga “physically or psychologically unfit” na kailangang may sertipikasyon mula sa Surgeon General ng Armed Forces of the Philippines o ng kanyang otorisadong medical officer.

Kasama rin sa exemp­tion ang mga estudyante na napili ng kanilang eskuwelahan na maging varsity player­ sa mga sports competition.

Para hindi maabuso, ipinagbabawal din ang hazing at iba pang physical o mental abuse sa mga sasailalim sa ROTC.

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagsulong sa pagbabalik ng ROTC.