Pagbasa ng sakdal kay PNoy naudlot

Iniurong ng Sandiganbayan sa Pebrero 15, ang arraignment sa kasong graft at usurpation of authority laban kay dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III, kaugnay sa Mamasapano incident noong 2015 na ikinasawi ng 44 Special Action Force (SAF) troopers ng Philippine National Police (PNP) matapos ang hindi pagsipot nito kahapon.

Paliwanag ni Atty. Romeo Fernandez, na hindi nila pinadalo ang dating Pangulo dahil wala silang abiso na natanggap mula sa korte, ang alam umano nila ay reresolbahin muna ang kanilang naunang inihain na motion to quash.

Bunga nito inurong na lang sa susunod na buwan ang arraignment habang hindi rin natalakay ang mosyon ni Aquino dahil humingi ang panig ng prosekusyon ng karagdagang 10 araw para maghain ng komento sa nasabing mosyon.

Nais ng dating Pangulo na mabasura ang kaso laban sa kanya sa katuwirang wala itong batayan.

Sa kaso naman ni dating PNP chief Alan Purisima ay natuloy ang pre-trial sa kaso nito.

Umaasa naman ang Malacañang na gugulong pa rin ang hustisya sa pamilya ng SAF 44 kahit hindi natuloy ang pagbasa ng sakdal laban kay Aquino.