Hindi natuloy kahapon ang pagbasa ng sakdal laban kay Rappler chief executive officer Maria Ressa dahil sa pagkabigo ng korte na maresolba muna ang petisyon nito na humihiling na ibasura ang kasong cyber libel na isinampa laban sa kanya ng isang negosyante.

Sinabi ni Free Legal Assistance Group lawyer Theodre Te na kailangan munang pagpasyahan ng Manila Regional Trial Court Branch 46 ang naka­binbing motion to quash ng kampo ni Ressa bago umusad ang kaso.

Aniya, mayroong 10 araw ang prosekusyon para magkomento sa mosyon, habang may limang araw naman para sumagot ang Rappler official.

Pagkatapos nito, mayroong limang araw ang prosekusyon para maghain ng rejoinder bago tuluyang madesisyunan ang kaso.

Sa kanyang mosyon, iginiit ni Ressa na walang basehan ang isinampang kaso laban sa kanya kaya dapat itong mabasura.

Iginiit ng kampo ni Ressa na naisapinal ang Cybercrime Law noong Abril 2014 kung kaya’t hindi pasok sa cyber libel ang pag-update ng article ng Rappler noong Pebrero 2014 laban sa negosyanteng si Wilfredo Keng.

Muling itinakda ng korte ang pagbasa ng sakdal kay Ressa sa Abril 12.