Pagbawi ni Taguba sa testimonya kuwestiyonable kay Lacson

Hinala ni Senador Panfilo Lacson ang pagbawi ni customs broker Mark Taguba sa kanyang testimonya sa Senado ay may kinalaman sa pag-alis sa kanya sa Senate protective custody.

Kung matatandaan, binawi ni Taguba ang kanyang testimonya sa Senado partikular ang pagdawit nito kay Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at bayaw nitong si Mans Carpio na sinasabing nasa likod ng ‘Davao group’ na nagpapalusot ng kargamento sa Bureau of Customs (BOC) .

Ayon kay Lacson, nakakagulat lamang na matapos na madawit ang ‘Davao group’ ay inalis umano ito sa Senate protective custody.

Maaring ito umano ang dahilan kaya binawi at humingi ng paumanhin si Tabuga sa pagkakadawit ni Duterte at Carpio sa kontrobersiya.

“So ako I can just surmise yan ang dahilan bakit nagpa-press release siya binawi niya lahat at nag-apologize siya. Yan ang speculation ko, conjecture ko pero may basehan,” ayon kay Lacson.

Dahil dito, plano ni Lacson na hilingin na ibalik sa protective custody ng Senado si Taguba

“Sa Monday ang plano ko kausapin ang committee na ibalik sa kanya, i-restore sa kanya ang protective custody na granted sa kanya ng Senado,” ayon sa Senador kasabay ng pag-amin na hindi siya nasabihan ukol sa pag-alis kay Taguba sa kustodiya ng senado.