Pagbibigay ng permit to carry ng mga baril, limitahan – Lacson

ping-lacson

Ipinapanawagan ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na limitahan ang pagbibigay ng Permit to Carry Firearms Outside Residence (PTCFOR) upang mabawasan ang paggamit ng armas.

Sinabi ni Lacson na walang problema sa pagbibigay ng lisensya sa mga baril bilang pandepensa laban sa masasamang loob.

Gayunman, kung ang baril aniya ay inilabas na sa bahay ay hindi na ito maituturing na pandepensa lamang.

“‘Pag license okay lang ‘yun, kaya ka bibili ng armas pang-dipensa pero ‘pag inilabas mo sa bahay parang ‘di na rin pang-dipensa. When I was in PNP, I only issued less than 1,000 permits, ako ang pinaka-kontrabida sa Pro-gun, ang thinking ko wala na dapat magdala ng baril sa labas ng bahay,” diin ni Lacson.

Nais ni Lacson na mas makabubuti kung uniformed personnel lamang ang maaaring magdala sa labas ng kanilang mga baril bukod sa mga nasa covert operations.

Dapat aniyang patunayan ng PNP na kakayanin nilang bigyan ng proteksyon ang taumbayan upang hindi na nila kaila­nganing magdala ng sari­ling armas.