Aminado si Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista na pinag-iisipan nito nang husto ang planong pagbibitiw sa tungkulin sa gitna ng akusasyong nagkamal ito ng malaking halaga ng salapi habang nasa posisyon.
“Pinag-iisipan at pinagdadasal,” maikling tugon ni Bautista nang matanong sa election congress sa Malolos, Bulacan.
“We’re considering various options, pero pinag-iisipan, pinag-aaralan, at pinagdadasal natin. I think this is part of the process,” saad pa nito.
Iginagalang aniya nito ang proseso ng sinasabing isasampang kasong impeachment laban sa kanya.
“Ganyan talaga ang proseso,” sabi nito.
Masaya naman ang poll chief sa ipinakitang suporta ng mga empleyado ng Malolos Election Congress kung saan nakasuot ang mga ito ng puting damit na may nakasulat na ‘We stand for Chairman Andy.’
“Nakakataba ng puso at nakakapagbigay ng lakas,” ayon pa rito.
Magugunitang inakusahan si Bautista ng asawa nitong si Patricia na nagsabing hindi nito idineklara ang may isang bilyong kayamanan nito sa kanyang statement of assets and liabilities networth (SALN) noong 2016.
Itinanggi naman ni Bautista ang akusasyon kasabay ng pagsasabing ninakaw ng asawa ang passbooks at iba pang bank documents sa kanilang bahay.