Pagbibitiw ni Uson hindi kawalan sa bayan – VP camp

Tama lang na magbitiw na si Assistant Secretary Mocha Uson dahil bukod sa hindi umano naintindihan ang kanyang tungkulin ay malinaw namang hindi ito handa para gampanan ang tungkulin ng isang lingkod bayan.

Pahayag ito ng kampo ni Vice President Leni Robredo matapos ang tuluyan nang pagbibitiw ni Uson.

Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, maraming beses nang ipinakita ni Uson na wala itong alam at hindi naintindihan ang kanyang tungkulin kaya maituturing na hindi kawalan sa bayan ang kanyang pagbibitiw.

“Madaming beses nang ipinakita ni Mocha Uson na hindi talaga niya naiintindihan at hindi siya handa para gampanan ang tungkulin ng isang lingkod ba­yan. Kaya hindi kawalan sa bayan ang kanyang pagbibitaw,” ayon kay Gutierrez.

Ngunit paglilinaw ni Gutierrez, kahit nagbitiw na si Uson ay hindi umano nangangahulugan na wala na siyang pananagutan sa pinakalat nitong kasinungalingan at paninira.

“Huwag lang siyang magkamaling isipin na dahil nag-resign na siya, hindi na siya mananagot para sa lahat ng kasinungalingan at paninirang ipinasabog niya,” dagdag ni Gutier­ez.

Giit naman ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro na gusto lang magpabida ni Uson bilang bahagi ng kanyang paghahanda sa kanyang pagtakbo sa 2019 midterm elections.

Aniya, isang paandar lang ang ginawa ni Uson para palitawin na isinakripisyo nito ang kanyang sarili para maaprubahan ang pondo ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

“Ginagamit lang niya ‘yung usapin ng pagpa-defer ng budget ng mga kongresista doon sa budget ng PCOO. Ang mas malaking dahilan yung kailangan niyang mag-resign dahil magppa-file siya ng certificate of candidacy para sa Senate o sa Kongreso,” ani Castro.

Samantala, sinabi naman ni Camiguin Rep. Xavier Jesus Romualdo na hindi makakapekto sa popularidad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbibitiw n Uson.

“Even without Ms. Uson in the PCOO, the President will continue to get high satisfaction and trust ratings from the public,” ani Romualdo.

Ganito rin ang ipinunto ni isabela Rep. Rodito Albano. “The president popular even without Mocha Uson. This is not a telenovela,” ani Albano.

Kahit nagbitiw sa puwesto, binigyang-diin ni Uson na hindi niya iiwanan ang Pangulo.

“Huwag po silang mag-alala dahil hindi-hindi ko iiwanan si tatay Digong. Kaya nga ako nag-resign para maging amtapang tayo sa pakikipaglaban para sa pagbabago. Puwede na natign tawaging ulol ang mga trapo at mga ulupong,” ani Uson.