Pagbubuntis ni Angelica tinanggi ni Jolo

Kahit obvious namang totoo ang balita na engaged na sila, panay ang iwas ni Jolo Revilla sa isyung ikakasal na sila ng nobya niyang si Angelica Alita sa December.

Ayaw magpainterbyu on video ni Jolo dahil alam niyang uuriratin namin siya nang husto tungkol doon, so chinika-chika na lang namin siya nang tumabi siya sa amin.

Panay ang yakap sa amin ni Jolo nang hiritan namin siya kung bakit parang nagmamadali siyang magpakasal, eh last year lang naging sila ni Angelica?

April this year napabalitang engaged na sila, tapos by December ay wedding na sa Amerika? Ang bilis, huh!

“Ha! Ha! Ha! Hindi. Basta, she’s the one!” ang buong ningning na dayalog sa amin ng reelected Vice Governor ng Cavite.

Meron na bang little Jolo o little Angelica na paparating (as in preggers na ba si Angelica) kaya sila magpapakasal?

“Hindi, wala, walang ganu’n!” mabilis na reaksyon ni Jolo na naniningkit ang mga mata sa pagtawa.

“Basta, happy kami. I’m very happy!” sambit ng 31-anyos na actor-politician.

Kung ikukumpara ay sobrang whirlwind nitong sa kanila ng 2016 Bb. Pilipinas 1st runner-up dahil sila ni Jodi ay 7 years ang relasyon pero hindi nauwi sa kasalan.

Ito ngayon kay Angelica, bago pa lang ay sa simbahan na ang bagsak.

Nanood na ba siya ng horror movie ni Jodi na “Clarita?”

“Ha! Ha! Ha! Hindi pa. Tara, nood tayo!” hirit sa amin ni Jolo, sabay tawa.

Mas natawa siya nang sabihin naming yayain niyang manood ng “Clarita” si Angelica.

“Kumita nga raw ‘yung movie, ‘di ba? Wow, mabuti naman! Ang galing!”
In fairness, maganda ang sinasabi ni Jodi ‘pag tinatanong ito tungkol sa kanya, ha?

“Ako, sobrang taas ng respeto ko sa taong ‘yon. As in talagang sobra!” pakli ni Jolo.

Balik kay Angelica. Panay lang ang ngiti at pisil ni Jolo sa kamay namin nang usisain namin siya kung bakit sa Pelican Hill sa Southern California ang wedding venue nila sa December at hindi rito sa ‘Pinas.

Halatang umiiwas siya sa isyu, na ‘pag inulit namin ang tanong ay hinihigpitan niya ang yakap sa amin para huwag na namin siyang kulitin.

Si Angelica ay hiningan namin ng reaksyon sa deklarasyon ni Jolo na “she’s the one” at bigla itong nagtakip ng mukha sa hiya.

“Haayyy.. nahihiya ako! Shy ako,” sey ng 24-anyos na dalaga habang nagba-blush.

Eh siya, si Jolo na rin ba ang “the one” para sa kanya?

Mabilis na tumango si Angelica at sinagot kami ng, “He is the one!” sabay yakap kay Jolo habang tumatawa at tila kinikilig.

Nang si Senator Bong ang tanungin namin tungkol sa balitang kasalan sa Disyembre, ang sabi lang nito ay, “Basta ang importante, masaya siya (Jolo). Kung saan siya masaya, doon ako.”

Close na ba sila sa wife-to-be ni Jolo?

“Mabait siya, mabait si Angel. Basta, kung saan happy si Jolo!” nakangiting sambit ni Sen. Bong.