Isang workshop ang idinaos ni Sen. Paolo Benigno ‘Bam’ Aquino IV upang konsultahin ang mga estudyante, miyembro ng Armed Forces of the Philippines at iba pang mga grupo ukol sa panukalang buhayin ang Reserve Officer Training Corps (ROTC) sa mga paaralan.

Layon ng workshop na makatulong sa pagbuo ng programa na magpapakita ng tunay na pakay ng ROTC, ayon sa senador.

“The ROTC is a priority legislation of this government. We want to set aside our pre-conceived notions. We’re here to listen to each other,” wika ni Sen. Aquino sa kanyang paunang pananalita.

“This is an open discussion to learn directly from the people that will be affected by ROTC reforms. By the end of this, we should have a deeper understanding of the needs of our reserve force and find potential improvements to the ROTC program,” dagdag ng senador.

Nais ng senador na makuha ang pulso ng mga ito kung sa Senior High School ba dapat buhayin ang programa at kung ito’y gagawing mandatory o hindi.

Sa kanyang walong-buwang termino bilang chairman ng Committee on Education, nangako si Sen. Aquino na kukunin ang posisyon ng iba’t ibang sektor ukol sa planong pagbuhay ng ROTC sa mga paaralan.

Bumisita siya sa Army Reserve Command (ARESCOM) ng Philippine Army sa Camp Reigo De Dios sa Tanza, Cavite upang makipagpulong sa mga opisyal at mga propesyunal na sumasailalim sa training bilang reserve officers.