Pagbuhos ng enrollees sa SUCs paghandaan

edcel-lagman

Hindi lang ang pondo ang dapat paghandaan ng gobyerno sa isinabatas na libreng tuition sa State Universities and Colleges (SUCs) kundi ang pagdami ng mga enrollees.

Ito ang sinabi ni Albay Rep. Edcel Lagman matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 10931 o Universal Access to ­Quality Tertiary Education Act kung saan libre na ang matrikula at miscellaneous fees sa lahat ng SUCs.

Hindi kasama sa P3.776 trillion national budget ang libreang edukasyon na ito subalit dahil pirmado na ni Duterte ang batas ay nangako ang liderato ng Kongreso na maglalaan ng pondo para dito.

“The amount to be appropriated for free tertiary education in government institutions should include a realistic estimate of increases in enrollment of qualified students consequent to the enactment of RA No. 10931,” ani Lagman.

Maliban sa SUCs, ay sakop din ng batas ang mga eskuwelahang accredited ng Technical Education Skills Deve­lopment Authority (TESDA) na pawang vocational courses at inaa­sahan din na darami ang mga enrollees sa mga eskuwelahang ito.

“The budget needed should not be pegged at present enrollment levels which are likely to be surpassed,” ayon pa kay Lagman.