Dahil sa nangyaring eskandalo sa Bureau of Customs (BOC) na pagkakapuslit sa P6.4 bilyong halaga ng shabu ay inilulutang ngayon ang panukalang pagbuwag sa kagawaran.
Isa ito sa ginawang rekomendasyon ng House Committee on Dangerous Drugs dahil sa nakakagimbal na kaganapang ito sa BOC.
Nakasaad sa committee report na pinamumunuan ni Surigao del Sur Rep. Ace Barbers na kailangang gumawa ng panibagong batas upang mapalitan ng panibagong revenue collecting agency ang BOC.
Nakasaad din sa report ang pag-amyenda sa RA 10863 o mas kilala bilang Customs Modernization and Tariff Administration (CMTA).
Kaakibat din ng naturang mga amyendang isinusulong ay pinagbabakasyon o pinagbibitiw ang matataas na opisyal ng BOC kabilang na ang Deputy Commissioners, heads of office at lahat ng mga port collectors para mabigyan ng daan ang tamang reporma o sa imbestigasyon hinggil sa usapin ng korapsyon.
Kasama rin sa isinusulong ang pagkakaroon ng mabisang monitoring sa performance ng mga empleyado ng BOC, partikular sa physical inspection o examination of cargo shipment, law enforcement operations at iba pang trabaho sa adwana.
Nakapaloob din sa rekomendasyon ng komite ang pagsasampa ng kaso laban kina dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon, Milo Maestrecampo, Niel Estrella, Gerardo Gambala at Atty. Mandy Anderson, Richard Chen, Kenneth Dong, Manny Li, Eirene Mae Tatad, Teejay Marcellana at Mark Taguba II.
Nirerespeto natin ang mga inihaing rekomendasyon ng komiteng pinamumunuan ni Barbers.
Ang sa atin lang huwag naman sanang humantong sa paglusaw o pagbuwag agad-agad sa ahensya dahil sa nangyaring kapalpakan.
Bakit hindi baguhin ang sistema na sa ating palagay ay siyang pangunahing ugat kaya hindi mabura-bura ang korapsyon sa tanggapang ito.
Kasi kung pinuno o lider lamang ang pag-uusapan, imposible namang lahat ng itinalaga rito ay palpak. Kahit papaano sa palagay ko ay matino. Ang problema lamang ay ang nakagisnang sistema na patuloy na ina-adapt ng lahat ng empleyado.
Kaya ang sa atin, huwag namang agad-agad na sumuko dahil pagpapakita ito ng kahinaan ng gobyerno laban sa korapsyon.