Dang Samson-Garcia

Kinontra kahapon ni ­Senate Minority Leader Franklin Drilon si Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri sa paggiit na hindi na kailangan ang bicameral conference committee dahil aprubado na para sa kanya ang pagbuwag sa Road Board.

“With all due respect to Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, the Senate has already taken the position that the bill to abolish the Road Board is already approved by virtue of its adoption of House Bill 7436 on September 12,” ayon kay Drilon.

Sinabi ni Drilon na nakasaad ito sa kanilang Resolution No. 134 na inaprubahan ng Senado bago sila mag-Christmas break noong Disyembre 13.
Hinihikayat ng resolusyon­ kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag ilabas ang pondo mula sa koleksyon ng Motor Vehicle User’s Charge (MVUC) makaraan ang pag-apruba ng Kongreso sa abolisyon ng Road Board.

“Convening a bicam has no basis when there is no inconsistent or disagreeing provisions,” paliwanag ni Drilon.

Sa aksyon ng Senado, hindi na umano kinailangan pa ng bicam dahil sa ikinukunsidera na pasado na ang abolisyon ng Road Board at dapat ay naipadala na sa Pa­ngulo para sa lagda nito.

Nagkaroon ng kalituhan sa panukalang abolisyon ng Road Board makaraang umatras ang Kamara sa sariling nilang panukala hinggil dito kasabay ng pag-adopt ng Senado sa House Bill 7436.