Inilunsad kahapon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang kanilang bagong media campaign upang ipakita sa publiko ang tuloy-tuloy na pagtulong ng ahensiya sa mga nangangailangan.
Ayon kay PCSO Chairman at CEO Andrea Domingo, tatagal ng hanggang 2019 ang kampanya sa radyo, TV at diyaryo upang maipabatid sa publiko ang mga programa ng ahensiya kabilang na ang mga exhibit.
Dagdag ni Domingo, 30 taon nang tumutulong ang Pagcor dahil sa pananatili ng ahensiya bilang top revenue earner ng pamahalaan.
Sinabi ni Domingo na bagama’t pinapayagan ng Pagcor ang operasyon ng gaming at casino, pangunahin naman nilang mandato ay ang pataasin ang koleksiyon nila para sa kaunlaran ng bansa.
Aniya, kailangang maintindihan at malaman ng publiko na ang Pagcor ay tumutulong na gumanda at paunlarin ang buhay ng mga mahihirap.
Samantala, sinabi pa ni Domingo na sisikapin niyang mahikayat si Pangulong Rodrigo Duterte na ituloy ang investment sa mga casino lalo pa’t malaki ang naitutulong nito sa mga Pilipino.
Matatandaang ipinahinto ng Pangulo ang pagbibigay ng prangkisa sa mga nais na magtayo ng casino nang walang binabanggit na dahilan.
Patuloy din umano ang pagsuporta ng Pagcor sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensiya ng gobyerno dahil bahagi ng kita nito ay ipinamamahagi rin sa mga ito para sa kanilang mga proyekto.